CENTRAL MINDANAO- Grupo ni Shiek Esmail Abdulmalik alyas Kumander Abu Toraife ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF-ISIS Inspired Group) ang itinurong suspek sa pagpapasabog sa convoy ng militar sa probinsya ng Maguindanao.
Ayon kay 6th Infantry (Kampilan) Division Chief at Joint Task Force Central Commander,Major/General Juvymax Uy na naglunsad sila ng law enforcement operation laban sa BIFF sa Maguindanao.
Kasunod ito nang pambobomba ng BIFF sa convoy ng Navys 5th Company ng Marine Battalion Landing Team (MBLT-5) sa Brgy Limpongo Datu Hoffer Ampatuan Maguindanao.
Nasawi sa pagsabog ng roadside bomb si Sgt Rhyll Angot at apat sa kanyang mga kasamahan ang nasugatan.
Unang nagbanta ang BIFF na maglulunsad sila ng pambobomba at grupo ni Kumander OB-10 ang naatasan na gumawa nito kahintulad ng Jolo Sulu Twin bombing.
Matatandaan na napatay ng 90th Infantry (Bigkis-Lahi) Battalion Philippine Army ang Local Bomb Expert ng BIFF na si Kumander Abu Master na may dalang bomba sa Brgy Pagagawan Datu Montawal Maguindanao.
Lomobo naman ang bilang ng mga pamilya na lumikas sa mga lugar sa Maguindanao na target ngayon ng operasyon ng Joint Task Force Central katuwang ang pulisya.
Sinabi ni M/Gen Juvymax Uy na hindi nila hahayaan na makagawa ng teroristic attack ang BIFF.
Sa ngayon ay pinaigting pa ng militar at pulisya ang pagtugis sa BIFF lalo na sa mga galamay nitong mga dayuhang terorista.