Hindi lang ang mga rebeldeng nasa likod ng pananambang at pamamaril sa Masbate ang dapat managot kundi maging ang mga matataas na lider ng komunistang grupo.
Ayon kay AFP Deputy Chief of Staff for Operations, Major General Edgardo De Leon dapat managot si CPP Founding Chair Jose Maria Sison at ang iba pang matataas na pinuno ng CPP-NPA-NDF sa pagpapasabog ng NPA ng landmine sa Masbate na pumatay kay FEU varsity Player Keith Absalon at sa kanyang pinsang si Nolven Absalon, at sa menor de edad na si Daniel Absalon.
Ito ay alinsunod sa prinsipyo ng “Responsibility of the Superiors” ng International Humanitarian Law (IHL).
Sinabi ni De Leon, sa ilalim ng IHL, hindi lang ang mga tauhan kundi maging mga lider ang responsable sa paggamit ng Anti-personnel mine o landmine na ipinagbabawal sa buong mundo.
Paalala ni De Leon, lumagda sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and IHL (CARHRIHL) sa panig ng NDF si Jose Maria Sison, Luis Jalandoni, Fidel Agcaoili, at Coni Ledesma.
Nakasaad sa dokumentong ito ang mga lider na dapat na managot sa mga paglabag ng kanilang tauhan sa IHL.
Giit ng opisyal maari ding panagutin ang mga lider ng komunista sa ilalim ng Republic Act 9851 o An Act Defining and penalizing Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity, Organizing Jurisdiction, Designating Special Courts and for Related Purposes.
Samantala, tiniyak ni AFP Chief of Staff Gen. Cirilito Sobejana na gagawin ng militar ang lahat para matuldukan na ang dekadang problema sa insurgency.
Sinabi ni Sobejana na panahon na para matigil ang mga terroristice activities ng NPA.
” We shall exhaust all available resources to put an end to the decades-old problem of armed insurgency so that our nation may enjoy genuine peace and development for generations to come,” pahayag ni Gen. Sobejana.