-- Advertisements --

Nanindigan si Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Nicolas Torre III na hindi na muling mauulit ang mga naging pagpatay o extra-judicial killings ng nakaraang administrasyon na siyang ginamit para masugpo ang mga krimen partikular na ang droga sa loob ng bansa.

Malinaw aniya na mariing niyang kinokondena ang mga naging pagpatay at hindi rin niya hinihimok ang mga pulis na gumawa ng ganitong klase ng gawain para lamang makarami ng pagaresto.

Aniya, oras na lumabas ang mga pulis sa judicial process ay agad na maituturing na krimimal ang mga ito na dapat ay tagapagtaguyod ng batas at ng karapatang pantao.

Sinumang lumabag sa kautusan na ito ay haharap sa mga kakukulang parusa at imbestigasyon sa tulong ng Commission on Human Rights (CHR).

Sa kabilang banda naman, iginiit ni Torre na ang paggamit ng pwersa ay dapat na huling option ng mga pulis lalo na kung nakikitaan ng pangangailangan at kung makokompormiso na ang kaligtasan ng kanilang hanay at maging ng publiko.

Aniya, kapag may inaaresto malaki kasi ang posibilidad na manlalaban ang mga ito at kapag nangyari ang mga ganitong sitwasyon ay may karapatan ang mga pulis na ipagtanggol ang kanilang mga sarili na pasok sa article 11 bilang self-defense.

Papayagan lamang ito kung sa paningin ng mga rumeresponde ay nalalagay sa panganib ang kanilang mga buhay sa proseso ng kanilang pagaresto o paghuli at siya ring nakadepende sa judgement call ng mga pulis.

Samantala, binigyang diin naman ng hepe na kasama talaga sa sinumpaang mandato ng mga pulis ang umaresto ang manghuli ng mga kriminal ngunit dapat hindi aniya naisasantabi ang mga karapatang pantao ng publiko.