Labis na ikinatuwa ni Indian Prime Minister Narendra Modi ang naging desisyon ng drugs regulatory authority ng India na aprubahan ang emergency use para sa dalawang coronavirus vaccines kasabay ng paghahanda nito sa isa sa pinakamalaking inoculation drive sa buong mundo.
Pinapayagan nang ipamahagi sa bansa ang mga bakuna na dinivelop ng Astrazeneca katuwang ang Oxford University at local firm na Bharat Biotech.
Plano ng India ngayong taon na bakunahan ang nasa 300 milyong katao na kasali sa priority list nito.
Kung maaalala, India ang ikalawang bansa na may pinakamataas na bilang ng coronavirus cases sa buong mundo kung saan 10.3 million ang kumpirmadong kaso habang halos 150,000 katao naman ang namatay.
Una nang nagsagawa ang naturang bansa ng nationwide drills bilang paghahanda sa halos 90,000 health care workers na mamigay ng bakuna.
Ayon sa Drugs Controller General ng India, nakapag-submit ang parehong manufacturers ng mga kinakailangang datos na nagpapakitang ligtas gamitin ang kanilang mga ginawang bakuna.