-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Nais ni Ministry of Health (MOH-BARMM) Minister Safrullah Dipatuan na maimbestigahan ang paglabas ng isang COVID-19 patient sa isolation facility sa Maguindanao.

Lumabas umano ang estudyante sa isolation room sa Maguindanao Provincial Hospital at umuwi ng kanyang tahanan sa bayan ng Shariff Aguak.

Sinabi ni Minister Dipatuan na anak ng isang municipal councilor sa Shariff Aguak, Maguindanao ang estudyante.

Umapela si Dipatuan sa mamamayan ng Maguindanao at buong Bangsamoro region na iwasang gamitin ang kanilang impluwensya.

Dahil sa paglabas ng estudyante sa isolation room ay hinawaan daw niya ang kanyang tatlong kapatid na edad 13, 14, at 18-anyos.

Sa ngayon ay inatasan ni Dipatuan ang mga namamahala sa mga isolation facility sa BARMM na mahigpit na ipatupad ang mga umiiral na alituntunin kontra COVID.