Nagbabala ang mga eksperto na posible umanong mabaog ang mga lalaking dinapuan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa pag-aaral ng University of Miami sa Florida, ikinumpara nila ang testes tissue ng anim na lalaking namatay sa COVID-19 at tatlo na namatay sa ibang kadahilanan.
Lumabas sa pananaliksik na tatlo sa mga COVID-19 patients ang nagtamo ng sira sa kanilang testes, na makakaapekto sa kanilang abilidad na makabuo ng semilya.
Ganito rin ang obserbasyon ng mga eksperto sa China kung saan inaatake umano ng immune system ng mga may COVID-19 ang testes ng pasyente.
“The possibility that COVID-19 damages the testes and impacts fertility … warrants gonadal function evaluation in men infected with COVID-19, or who have recovered from COVID-19, and desire fertility,” saad sa report ng Miami team na inilathala sa World Journal of Men’s Health.
Samantala, mistulang wala umanong epekto ang mutation sa pagkalat pa ng COVID-19.
Gamit ang isang global dataset ng virus genomes mula sa mahigit 46,000 katao na may COVID-19 sa 99 bansa, natukoy ng mga researchers na nagkaroon ng mahigit 12,700 mutations sa genetic material ng virus.
Sa nasabing bilang, nagpokus ang mga siyentipiko sa 185 mutation na sinasabing nangyari nang tatlong beses sa kasagsagan ng pandemya.
Habang may ilang eksperto naman ang nagsabi na pinalakas ng isang mutation, na kilala bilang D614G, ang transmissibility ng virus.