-- Advertisements --

Nagbabala ang isang medical expert sa Amerika sa posibilidad ng pagkakaroon ng erectile dysfunction o ang hindi maayos na paggana ng ari ng mga lalaking dinapuan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon sa infectious disease expert na si Dr. Dena Grayson, posibleng ang kondisyong ito raw ay dahil sa may epekto ang COVID-19 virus sa blood vessels o daluyan ng dugo.

Sinabi pa ni Grayson, bagama’t karamihan sa mga pasyente ang gumagaling mula sa virus, posible naman itong mag-iwan ng pangamatagalang epekto sa sinumang kakapitan nito.

Hindi man aniya kasama ang erectile dysfunction sa listahan ng mga long-term effects ng COVID-19, mas marami raw natutuklasan ang mga eksperto tungkol sa sakit lalo pa’t patuloy na lumolobo ang bilang ng mga nagpopositibo sa virus.

“Men could have long-term issues of erectile dysfunction from this virus because we know that it causes issues in the vasculature… This is something that is of real concern. It’s not just that this virus can kill you but can actually cause long-term, lifelong, potentially, complications,” wika ni Grayson.

Una nang lumabas ang ulat na posibleng magdulot ng pagkabaog ang COVID-19 sa mga lalaking dadapuan nito.

Sa pag-aaral ng University of Miami sa Florida, ikinumpara nila ang testes tissue ng anim na lalaking namatay sa COVID-19 at tatlo na namatay sa ibang kadahilanan.

Lumabas sa pananaliksik na tatlo sa mga COVID-19 patients ang nagtamo ng sira sa kanilang testes, na makakaapekto sa kanilang abilidad na makabuo ng semilya.