CAUAYAN CITY – Bangkay na nang matagpuan sa isang bakanteng lote ang isang COVID-19 patient na umano’y tumakas mula sa isolation facility sa bayan ng Luna, Isabela.
Ang nasawing ay isang 39-anyos, residente ng Barangay Mambabanga, Luna.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt. Joesbert Asuncion, hepe ng Luna Police Station, sinabi niya naunang iniulat sa kanilang himpilan ang pagtakas ng isang COVID-19 patient sa isolation facility noong Disyembre 4.
Agad silang naghanap sa mga lugar na posibleng tinungo ng pasyente gayunman ay nabigo silang mahanap.
Matapos ang ilang araw na paghahanap ay natagpuan ng ilang concerned citizen ang bangkay ng isang lalaki na nakabigti sa isang puno gamit ng lubid sa bakanteng lote sa Barangay Mambabanga.
Agad nilang ipinabatid sa Rural Health Unit ang pagkakatagpo sa bangkay ng lalaki at nang makumpirmang siya ang tumakas na pasyente ay agad na itong kinuha ng mga kawani ng RHU at inilibing.
Napag-alamang pagkatapos tumakas ay umuwi pa ang pasyente sa kanilang bahay subalit hindi ito pinatuloy ng kanyang asawa dahil sa takot na mahawaan ng virus.
Nag-iwan naman ng suicide note ang naturang pasyente bago siya nagpatiwakal.
Samanatala, mas papaigtingin naman ng pulisya na bantayan ang isolation facility upang maiwasan ang naturang pangyayari may kaugnayan sa pagtakas ng mga pasyente.
Hinikayat naman niya ang mga opisyal ng barangay at mga force multipliers para makipagtulungan sa pagbabantay sa isolation facility.
Samantala, sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Jaime Atayde sinabi niya na nalulungkot siya sa pagpapatiwakal ng pasyente dahil iniwan nito ang kaniyang anak at asawa.
Dahil sa pangyayari ay nais na rin ng Alkalde na matutukan ang psychological status ng mga COVID-19 patient na sumasailalim sa Isolation.
Maaari aniyang matagal nang may problema ang pasyente na nagtulak sa kanya para magbigti.
Samantala, nagpositibo naman sa COVID-19 ang dalawang kapamilya ng naturang pasyente kabilang na ang isang taong gulang na anak nito.
Tiniyak ni Atayde na mahigpit na tututukan ng pamahalaang lokal ang kalagayan ng mga COVID-19 patients at maasahang mabibigyan ng kanilang araw-araw na pangangailangan.















