Nadagdagan pa ang bilang ng nasawing tauhan ng Philippine National Police (PNP ) dahil sa COVID-19 infection.
Sa ngayon, sumampa na sa 47 ang mga binawian ng buhay sa hanay ng pulisya.
Sa ulat ni PNP deputy chief for administration Lieutenant General Guillermo Eleazar, pinakabagong nasawi ay ang isang 40-anyos na lalaking police non-commissioned officer (PNCO) na nakatalaga sa NCRPO.
Siya ay binawian ng buhay, kahapon April 13, 2021.
Nakapagtala naman ng 288 na bagong kaso ang PNP as of April 13, 2021 kung saan 280 dito ay mga bagong kaso habang walo ang reinfection.
Sa ngayon, sa kabuuan umabot na sa 17,917 ang mga tinamaan ng virus sa hanay ng pambansang pulisya.
Habang 15,389 ang mga nakaligtas sa sakit matapos madagdagan ng 197 na bagong gumaling.
Nananatiling mataas ang aktibong kaso ng COVID-19 sa PNP na umabot na sa 2,481.