Pumalo na sa 29,122 ang COVID-19 death toll sa Pilipinas matapos na madagdagan ito ng 287 deaths base sa ulat ng Department of Health (DOH) kahapon, Agosto 8, 2021.
Ayon sa DOH, ang kabuuang bilang na ito ng mga nasawi ay katumbas ng 1.76 percent ng lahat ng mga naitalang kaso magmula nang unang tumama sa Pilipinas ang COVID-19.
Sa ngayon, ang caseload o kabuuang bilang ng mga kinapitan ng virus ay 1,658,916 matapos na madagdagan ito kahapon ng 9,671 na bagong kaso.
Mula sa kabuuang bilang na ito, 77,516 o 4.7 percent ang nagpapagaling pa pero karamihan naman sa kanila ay mild o walang sintomas na nararamdaman (96.1 percent).
Samantala, ang kabuuang bilang sa ngayon ng mga gumaling na sa COVID-19 ay 1,552,278 o 93.6 percent ng kabuuang bilang ng COVID-19 cases matapos na 8,079 ang bagong gumaling.
Base sa latest data mula sa John Hopkins University COVID-19 tracker, ang Pilipinas ay nasa likod lang ng Indonesia, na mayroong 3,639,616 cases, pagdating sa COVID-19 cases sa Southeast Asia.