Nagsagawa ng oil spill cleanup ang Philippine Coast Guard (PCG) sa Estero de Pandacan sa Manila.
Ito ay kasunod ng pagtagas ng hanggang 40 litro ng petrolyo sa naturang estero mula sa abandonadong oil depot pipeline at naka-apekto hanggang sa mga tributaryo nito sa iba’t-ibang bahagi ng Manila.
Ayon kay PCG substation Malacañang chief, Lt. Michael John Encina, posibleng agad ding ma-contain ang tumagas na langis ngayong araw, Aug. 1, at hindi na kakalat pa lalo sa iba pang tributaryo.
Ito ay sa tulong ng mga personnel mula sa PCG substation Pureza at Marine Environmental Protection Unit-Malacañang.
Naglatag na rin ang PCG ng dalawang layer ng oil spill boom sa lugar at ginamit bilang mga absorbent pads habang ginagamit na rin ang manual scooping sa pagtanggal sa mga tumagas na petrolyo.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng PCG, isang road contractor mula sa Department of Public Works and Highways ang nakasira sa abandonadong naturang pipeline na bahagi ng Pandacan oil depot.
Naglabas na rin ang PCG ng Inspection Enforcement Apprehension Report laban sa contractor upang panagutin ito sa nangyari.
Sa kasalukuyan, wala aniyang banta na tumuloy pa ang tumagas na petrolyo patungong Pasig River.