-- Advertisements --

Lagpas 410,000 na ang bilang ng mga tinamaan ng pandemic na coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas, ayon sa Department of Health (DOH).

Batay sa pinakabagong case bulletin ng ahensya, nasa 410,718 na ang total ng COVID-19 cases sa bansa dahil sa additional na 1,148 new cases.

Paliwanag ng DOH, 135 mula sa 166 accredited testing laboratories lang ang nakapagpasa ng report kahapon, November 15.

Dagdag pa ng kagawaran, 18 mula sa 31 non-submitting labs ang hindi nakapag-submit dahil wala silang operasyon tuwing araw ng linggo. Habang apat sa mga laboratoryo kaka-accredit pa lang.

“The relatively lower number of additional cases reported today is attributed to the lower laboratory submission compliance (81.33%) for November 15 compared to the previous day (90.91%), and the previous week (88.27%).”

Ang lalawigan ng Cavite ang nangunguna sa listahan ng mga lugar na may mataas na bilang ng mga bagong kaso na nasa 88. Sinundan ng Quezon City (52), Rizal (46), Baguio City at Maynila (44).

Nakasaad din sa case bulletin na nasa 28,313 pa ang mga nagpapagaling na active cases.

Samantalang 186 ang nadagdag sa total recoveries na ngayon ay nasa 374,543 na. Habang ang death toll ay tumaas din sa 7,862 dahil sa nadagdag na 23 bagong namatay.

“4 duplicates were removed from the total case count. Of these, 1 were recovered cases. Moreover, 8 cases previously tagged as recovered were reclassified as deaths.”