-- Advertisements --

ILOILO CITY – Walang plano ang mga pribadong paaralan sa Pilipinas na pabalikin ang mga estudyante sa face-to-face na klase dahil sa banta ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Atty. Joseph Noel Estrada, managing director ng Coordinating Council of Private Educational Associations (COCOPEA), sinabi nito na flexible learning options ang tinitingnan na paraan ng eskwelahan para sa mga mag-aaral.

Ayon kay Estrada, sa ilalim ng flexible learning options, online, offline at blended learning ang paraan kung saan interconnectivity o internet ang maaaring gamitin.

Ani Estrada, naghahanda rin ang COCOPEA para sa training ng mga guro upang malaman nila ang dapat gawin pagdating ng Agosto 24 na siyang simula ng school year 2020-2021.

Nakikiusap rin ang naturang asosasyon sa Duterte administration na bigyan ng economic assistance ang mga magulang dahil ayon sa kanya, walang silbi ang ginagawang paghahanda ng mga paaralan para sa access kung hindi rin naman makaya ng mga magulang na mapaaral ang kanilang mga anak lalo na sa pribadong paaralan.