KALIBO, Aklan-Patay na nang matagpuan ang isang 23 anyos na lalake sa loob ng kaniyang silid sa tinutuluyan nitong apartment sa bayan ng Malay, Aklan.

Ang biktima ay cook sa isang restaurant at tubong Masbate City ngunit kasalukuyang nakatira sa nasabing lugar.

Batay sa paunang imbestigasyon ng Malay PNP, nagbigti umano ang biktima gamit ang sinturon dahil sa selos sa kaniyang kasintahan.

Nadiskubrehan kasi ng mga awtoridad ang conversation ng dalawa sa kaniyang messenger account at nabanggit pa nito ang pagpapakamatay dahil sa tindi ng kanilang hidwaan.

Posible aniyang uminom muna ng alak ang biktima bago nito winakasan ang kaniyang buhay dahil sa mga nakitang bote sa pinangyarihan ng insidente.

Wala namang nakikitang foul play ang mga rumespondeng pulis sa nasabing insidente.

Samantala, kung meron kayong problema at nais mo ng kausap, maaari kang tumawag sa National Center for Mental Health Crisis Hotline (NCMH-USAP) sa numbers: 0917-899-USAP (8727) o sa 7-989-USAP (8727) gayundin sa Hopeline PH 24/7 hotline numbers: 0917-558-4673; 0918-873-4673 o 2919.