KALIBO, Aklan—Nanganganib na hindi ma-isyuhan ng drivers license ang isang content creator at fish vendor sa lalawigan ng Aklan dahil sa kaniyang viral video na nagsasagawa ng mapanganib na pagmamaneho ng motorsiklo sa national highway.
Ito ay matapos na ipinatawag siya ng hepe ng Land Transportation Office (LTO) Aklan na si Engr. Marlon Velez sa kaniyang tanggapan.
Una rito, isang show-cause order ang ipinalabas noong Mayo 13, 2025 ng Regional Office 6 ng LTO na nag-uutos upang ipatawag ang vlogger na si Boy Kayak kasunod sa nag-viral nitong video sa social media, kung saan, nagsasagawa ng mala-superman na stunts habang nakasuot lamang ng underwear at sando shirt.
Maituring aniya itong reckless driving na nagdudulot sa kaniya ng panganib at sa iba pang mga motorista sa lugar.
Natuklasan pa ng LTO na nagmamaneho ang vlogger ng kaniyang tapdown tricycle habang naglalako ng isda na walang lisensiya kung kaya’t dagdag pa ito sa kaniyang violations sa ilalim ng Republic Act 4136 o reckless driving.
Ang show-cause order ay nag-uutos sa content creator na magsumite ng paliwanag upang depensahan ang kaniyang ginawang aksyon sa loob ng limang araw matapos na matanggap at ipaliwanag kung bakit hindi siya dapat na ma-disqualify na makakuha at magkaroon ng lisensiya.
Maaari aniyang maapektuhan ang kaniyang kabuhayan sa oras na hindi payagan ng LTO Central Office at LTO Region 6 na ma-isyuhan ito ng lisensiya.