Hiniling ng Confederation of Lawyers of Asia and the Pacific (COLAP) sa gobiyerno ng Pilipinas na protektahan ang karapatan ng mga abogado na nauugnay sa paglilitis kay dating Pang. Rodrigo Duterte.
Ginawa ng grupo ang apela kasunod ng umano’y sunud-sunod na pag-atake laban kay Atty. Kristina Conti, ang abogadong umaasiste sa mga biktima ng drug war na dating pinangunahan ng nakakulong na pangulo.
Ayon sa grupo, si Atty. Conti ay dumaranas ng mga serye ng red-tagging at paninira na umano’y kagagawan ng mga supporter ni dating Pang. Duterte.
Giit ng mga ito na nagawa ni Atty. Conti na tulungan ang mga biktima ng drug war mula pa noong 2016 at bilang assistant to councel sa International Criminal Court ay malaki ang kaniyang papel sa paglilitis sa kaso ng dating pangulo.
Dumanas din umano si Atty. Conti ng iba’t-ibang uri ng panghaharass, pamamahiya, at pababanta dahil sa paghawak sa mga human rights case at mga kasong mataas ang public interest bago pa man ang pagkaka-aresto sa dating pangulo.
Lalo pa umanong tumaas ang mga naturang pag-atake, lalo na sa social media matapos ang pagkakakulong ng dating pangulo.
Ilan sa mga idinetalye ng mga ito na paraan ng pag-atake ay ang mga malisyoso at pekeng post sa social media, direct message, phone call, at iba pang uri ng pagbabanta. Maging ang pamilya ni Atty. Conti ay dumaranas din umano ng mga serye ng pagbabanta.
Apela ng COLAP sa Pilipinas, dapat ay maimbestigahan ito ng gobiyerno at tiyaking mababantayan ang karapatan ni Atty Conti, kasama ang iba pang mga abogado sa bansa.
Pinapatiyak din ng grupo na maprotektahan ang karapatan at kapakanan ng mga abogado salig sa itinatakda ng United Nations Basic Principles on the Role of Lawyers.
Giit pa ng grupo na may obligasyon ang Pilipinas na protektahan ang mga mamamayan nito mula sa anumang banta sa buhay, kalayaan, at seguridad, at kasama sa mga dapat magawaran ng proteksyon ay ang mga abogadong humahawak ng iba’t-ibang kaso.