Inanunsyo ng Department of Transportation (DOTr) na balik operasyon na ang commercial flight sa General Santos Airport ngayong araw ng Lunes, Hunyo 15, matapos ang malakas na magnitude 7.8 na lindol na tumama sa rehiyon.
Ayon kay Transportation Secretary Giovanni “Banoy” Lopez, nakumpleto na ng DOTr at Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang safety assessment sa paliparan.
“Nagsagawa na ang DOTr at CAAP ng kumpletong safety assessment, and we confirmed na pwede nang ituloy bukas ‘yung commercial operations sa GenSan Airport para hindi na maantala ‘yung biyahe ng ating mga pasahero,” pahayag ni Lopez sa inilabas na abiso nitong Linggo, Hunyo 14.
Bilang bahagi ng paghahanda, nakipagpulong ang CAAP sa mga airline operators, airport stakeholders, at iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang tiyakin ang ligtas at maayos na pagbabalik ng operasyon ng paliparan.
Sa kasalukuyan, pinapayuhan ng DOTr ang mga pasahero na direktang makipag-ugnayan sa kani-kanilang airline para sa pinakabagong flight schedules at travel arrangements.
Patuloy namang minomonitor ng mga awtoridad ang kondisyon ng imprastraktura sa lugar kasunod ng lindol upang matiyak ang kaligtasan ng mga biyahero.
















