Inamin ng Commission on Elections (COMELEC) na may posibilidad na hindi na matutuloy sa Oktubre 13 ang Bangsamoro Parliamentary Elections matapos maglabas ng temporary restraining order ang Korte Suprema laban sa Bangsamoro Autonomous Act 77.
Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, “legally at factually impossible” nang maisagawa ang halalan dahil hindi na sapat ang panahon para sa mga preparasyon, kabilang ang voter’s education sa limang probinsya ng Bangsamoro.
Dagdag pa ni Garcia, kung ipipilit ang eleksyon nang walang malinaw na batas na susundin, posibleng ideklarang walang bisa ang resulta. Kaya’t pinag-aaralan na ng komisyon na ipagpaliban ang halalan alinsunod sa Section 5 ng Omnibus Election Code.
Kaugnay nito, tinatayang naman aabot sa Php774M ang kakailanganin ng komisyon sakaling ipagpatuloy ang halalan kapag inalis ng Korte Suprema ang TRO. Inaasahang maglalabas ng pormal na desisyon ang poll body hinggil dito sa susunod na linggo.
Ang hakbang na ito ng COMELEC ay para maging malinaw na sa mga taga-Bangsamoro ang mangyayari sa Oktubre 13. Binigyang-diin ni Garcia na kung may factors na makakapigil sa maayos at tahimik na halalan sa BARMM, katulad sa sitwasyon ngayon na hindi malinaw ang batas na susundin, marapat na ipagpaliban ito batay na rin sa option na binigay ng batas sa poll body.