-- Advertisements --

Tiwala ang Commission on Elections (Comelec) na tuloy-tuloy na magiging maganda ang kalalabasan ng final testing at sealing nga mga vote-counting machines (VCMs) na gagamitin sa May 9 elections.

Ayon kay Comelec Chair Saidamen Pangarungan, na personal na dumalo sa final testing and sealing ng mga VCM sa San Juan Elementary School sa San Juan City, sinabi nitong naging matagumpay ang aktibidad.

Ikinokonsidera ng Comelec chief na “flawless” at “perfect” ang isinagawang final testing and sealing ng mga makinang gagamitin sa halalan.

Nagpapasalamat ang Comelec chair dahil naging matagumpay ang aktibidad at umaasa itong magkakaroon ito ng positibong impact sa pagboto dahil sa testing at sealing pa lamang ay wala nang naging aberya.

Kasabay nito, hinimok ni Pangarungan ang lahat ng mga botanteng bumoto sa May 9 elections.

Una rito, hinimok ni Commissioner George Garcia ang publiko na makibahagi sa isasagawang finala testing at sealing na magtatagal hanggang sa Mayo 7.

Base sa Comelec Automation Law, requirement dito ang pagsasagawa ng final examination at testing sa mga VCM na gagamit sa bawat polling precinct.

Matapos ang naturang proseso ang mga VCM ay isasara ng mga electoral board at saka na lamang ulit bubuksan sa mismong araw ng halalan.

Sinabi ng komisyon na nasa 226 na siyudad at munisipalidad ang magsasagawa ng final testing at sealing ngayong araw, 402 sa Huwebes, 451 sa Biyernes at 259 sa Sabado.

Samantala, ang pag-deliver daw sa mga VCM na gagamitin sa halalan sa Lunes ay malapit nang mapataos o halos nasa 100 percent na.