-- Advertisements --

Nais ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Garcia na maitakda nang maaga ang deadline para sa paghahain ng petition for accreditation ng political parties at party-list groups.

Ito aniya ay para maaga silang makapagdesisyon kung aling mga political party at party-list ang karapat-dapat na lumahok sa May 2025 polls.

Sinabi ni Garcia na may mga pagkakataon noong nakaraan kung saan ang mga petisyon ay hindi pa nadedesisyonan ilang araw na lang bago ang Araw ng Halalan.

Noong nakaraang buwan nang inihayag ng Comelec na nagsimula na silang tumanggap ng mga aplikasyon para sa pagpaparehistro mula sa mga political party at party-list.

Batay sa Seksyon 60 ng Omnibus Election Code, upang makakuha ng isang juridical personality, maging kwalipikado ito para sa kasunod na akreditasyon, at para bigyan ito ng karapatan sa mga rights at privileges na ipinagkaloob sa mga political parties, at ang isang political party ay dapat munang irehistro sa Komisyon.

Ang Seksyon 5 din ng Party-List System Act ay nagtatadhana na ang sinumang organisadong grupo ng mga tao ay maaaring magparehistro bilang isang party-list group sa pamamagitan ng paghahain sa Comelec ng petisyon na napatunayan ng pangulo o kalihim nito na nagsasaad ng pagnanais nitong lumahok sa party-list system.

Top