Inaasahang papanagutin ng Commission on Elections (Comelec) ang mga kandidato na gagamit ng tinatawag na “deep fakes” sa kanilang pangangampanya para sa 2022 national at local elections.
Iginiit ni Comelec spokesperson James Jimenez na kabilang sa mga sections na nakasaad sa certificates of candidacy na pinirmahan ng mga nagnanais na tumakbo sa halalan sa susunod na taon ang tungkol sa deep fakes.
Ang deep fakes ay mga videos na dinoktor o hinati-hati at pinagtagpi-tagpi para palabasin na ang isang personalidad ay may sinasabi o ginagawa taliwas sa totoong sinabi o ginagawa nito.
Sa ngayon kasi, ayon kay Jimenez, naungusan na ng YouTube ang Facebook sa social media na tinatangkilik dahil aniya puno rito ng “fake news” sa ngayon.
Ang Youtube aniya ay ang lugar kung saan nakakakuha ang maraming tao ng mga “content” na ikinakalat din sa ibang social media.
Kaya naman isasama na aniya nila ang prohibition sa micro targeting sa ginagawang guidelines para sa kung paano dapat gamitin ng mga tatakbo sa halalan ang social media.