Inihayag ni Coach Tim Cone ang kanyang hindi pagkagulat na reaksyon sa naganap na laro ng Gilas Pilipinas kontra Saudi Arabia sa 2025 FIBA Asia Cup.
Sa isinagawang pulong balitaan matapos ang laro, kanyang ibinahagi na wala ng bago aniya sa ginawang pagpasok ng puntos ni Justin Brownlee sa huling quarter.
Kung saan ipinasok o na-shoot ng naturang Gilas player ang three-point shot sa natitirang 3.7 seconds ng fourth quarter.
Dahil rito’y tabla ang puntos ng magkatunggaling koponan sa iskor na 79-all, nagdulot upang magkaroon ng overtime.
Habang ikinatuwa naman ni Coach Tim Cone ang nakuhang ‘momentum’ ng pambansang koponan sa huling bahagi ng laro na siyang nagtulak upang ito’y kanilang ikapanalo.
Kasunod ng big-shot ni Justin Brownlee sa naganap na laro, ibinahagi ng naturang Gilas player ang kanyang pasasalamat sa kapwa manlalaro sa ibinigay nilang tiwala sa kanya.
Aniya’y ang kumpyansa ng koponan sa kanya ang siyang ispirasyon upang mas mailabas ang magandang performance sa laro.
Kasabay ng pagkapanalo, binigyan pagkilala naman ni Coach Tim Cone ang isa pa nitong player na si Kevin Quiambao.
Kanyang itinuring ang naturang Gilas player na ‘young gun’ ng koponan sa ipinakitang galing sa naganap na laro kung saan gumawa at nagpasok ito ng 17 puntos.
Sa kasalukuyan, pinaghahandaan na ng Gilas Pilipinas ang susunod nitong laro kung saan kakaharapin nito ang koponan ng bansang Australia.