-- Advertisements --

Naaresto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isa sa mga kasabwat nina dating presidential spokesperson Harry Roque at Cassandra Ong sa kasong qualified trafficking in persons, sa isang operasyon sa Mabalacat City, Pampanga.

Sa pahayag ng CIDG, kinilala ang suspek bilang si “Marlon” na nadakip sa isang entrapment operation sa Brgy. Tabun noong Mayo 22.

Si Marlon umano ang operations officer ng security agency na aktibong nag-ooperate noong nagaganap ang trafficking sa Lucky South 99 Outsourcing Inc., isang Philippine offshore gaming operator (POGO) sa Porac.

Bukod sa bagong pagkakaaresto, may nakabinbin ding warrant of arrest si Marlon para sa 10 bilang ng qualified trafficking in persons mula sa Regional Trial Court Branch 118 sa Angeles City. Walang inirekomendang piyansa para sa kanyang kaso.

Ayon kay CIDG chief Police Major General Nicolas Torre III, patunay ito ng walang humpay nilang pagsisikap na tugisin at ipakulong ang mga wanted na sangkot sa malulubhang krimen, para sa hustisya ng mga biktima.

Hinihimok din nga opisyal ang natitirang 50 co-accused na sumuko na kung saan tuloy-tuloy naman aniya ang pagtugis ng kanilang Tracker Teams.

Si Roque at iba pa ay may nakabinbing warrant of arrest kaugnay ng mga ilegal na aktibidad sa loob ng Lucky South 99 POGO hub. Inisyu rin ang mga warrant ng parehong korte sa Angeles City.

Mariing itinanggi ni Roque ang akusasyon, at iginiit na hindi siya naging legal counsel ng anumang ilegal na POGO, kabilang ang Lucky South 99. Aniya, sinamahan lamang niya si Ong sa isang pagpupulong dahil inakala niyang biktima ito ng estafa.

Sa kasalukuyan, humihingi si Roque ng asylum sa Netherlands.