Pinahiya ng Atlanta Hawks ang Philadelphia 76ers, 128-124 para makuha ang unang panalo sa Eastern Conference semifinals.
Bumida sa panalo si Trae Young na nagtala ng 35 points at 10 assists habang mayroong tig-21 points sina John Collins at Bogdan Bogdanovic.
Hindi nakaporma ang Sixers kahit na sarilng court nila ginanap ang laro kung saan kahit na nagkaroon ng small lateral meniscus tear sa kaniyang kanang tuhod si Joel Embiid ay nakapagtala pa rin ito ng 39 points.
Nasayang din ang ginawang 21 points ni Seth Curry, 20 points at 10 rebounds ni Tobias Harris at 17 points 10 assists naman ni Ben Simmons para sa Sixers.
Naging malaking hamon ang laro dahil sa kawalan ni De’Andre Hunter na iniinda ang sakit sa kaniyang kanang tuhod.
Sa pagtatapos pa lamang ng first quarter ay umarangkada na ang Hawks, 42-27 at tumaas pa ang lamang sa 74-54 sa halftime.
Pagpasok ng second half ay doon na bumangon ang Philadelphia hanggang napaliit nila ang kalamangan ng Hawks pero huli na ang lahat.
Samantala ang Game 2 ay gaganapin sa darating an Miyerkules.
Sa ibang game, tinambakan ng Los Angeles Clippers ang Dallas Mavericks, 126-111 para makapasok na rin sa Western Conference semifinals.
Pinangunahan ni Kawhi Leonard ang Clippers na nagtala ng halos triple double na amy 28 points, 10 rebounds at nine assists habang mayroong 22 points si Paul George para tuluyang ilampaso ang Mavericks sa Game 7 ng first round playoffs.
Sa simula ng 1st quarter ay hawak ng Dallas ang kalamangan hanggang sa tuluyan iniwan ng Clippers ang Mavericks sa pagpasok ng 2nd quarter hanggang sa last quarter.
Hindi naman umubra ang ginawang 46 points ni Luka Doncic para sana buhatin ang kaniyang koponan kung saan napako na sila sa tatlong panalo.
Ito na ang ikalawang magkasunod na playoffs na dinispatsa ng Clippers ang Mavs.
Sunod na makakaharap ng Clippers sa semifinals ang top-seeded na Utah Jazz simula sa Miyerkules na gagawin sa Salt Lake City.