Muli na namang namayagpag ang Filipino American star na si Jordan Clarkson upang pangunahan ang panalo ng huling laro ng Utah Jazz ngayong NBA regular season.
Dahil dito, numero uno na ang Jazz sa Western Conference sa pagpasok sa darating na NBA playoffs.
Kumamada ng 33 big points si Clarkson mula sa bench, na tinulungan naman ni Rudy Gobert na may 13 points at 16 rebounds para idispatsa ang Sacramento Kings sa iskor na 121-99.

Walang patawad sa init ng kamay si Clarkson, na ang ina ay isang Pinoy, nang magpasok din ng anim na three point shots.
Kaugnay nito, nagtala ngayon ng kasaysayan ang Utah sa kanilang prangkisa upang ilista ang best record sa NBA na may hawak na 52 wins at 20 lamang ang talo.
Nalampasan naman ang mahigpit na karibal sa Western Conference na Phoenix Suns.
Sa ngayon mag-aantay muna ang Utah sa kanilang lalabanan kung sino ang mananalo sa play-in round para sa pang-walong spot sa playoffs.
















