Tinitignan na ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang nasa likod ng umano’y pagbibigay ng maling impormasyon kay suspended Senate Acting Sergeant-at-Arms Mao Aplasca na humantong sa putukan sa Senado noong Mayo 13.
Ayon kay CIDG director Police Major General Robert Morico II, sinusubukan ng mga imbestigador na tukuyin kung sino ang nagbigay kay Aplasca ng impresyon na “under attack” ang Senado, na nagbunsod sa security personnel ng kapulungan na maghanda para sa armadong komprontasyon.
Sinabi ng CIDG Director na ipinag-utos ni Aplasca sa security personnel ang “lock and load” bago ang shooting incident.
Titatawag umano nila ito bilang “panic firing” kung saan inakalang lulusubin sila dahil sa impresyon na madaming mga lumulusob, na taliwas naman umano.
Saad pa ni Morico na hindi lamang nakadepende kay Aplasca ang pagpapasya kaugnay sa insidente dahil may mga deputy din siya mula sa Office of Sergeant-at-Arms (OSAA), kayat tanong ng opisyal, sino ang nag-fed o nagbigay ng maling impormasyon na aatakihin sila?
Giit ni Morico, naiwasan sana ang nangyari kung mayroong maayos na koordinasyon at komunikasyon sa pagitan ng OSAA at security personnel ng katabing Government Service Insurance System (GSIS) building.
Samantala, matapos mabigong humarap sina Aplasca aat iba pang personnel ng OSAA sa CIDG, umapela na si Director Morico sa kanila na makipagtulungan sa imbestigasyon.
Nauna na ring inirekomenda ng CIDG ang paghahain ng kaso laban kina Aplasca at dalawa pa niyang personnel dahil sa paglabag umano sa Private Security Services Industry Act.















