-- Advertisements --

Nagpahayag ng buong suporta ang Commission on Human Rights (CHR) sa Department of Education (DepEd) na nagbigay sa mga paaralan ng opsyon na mag-apply ng blended at alternative delivery modes (ADM) ng pag-aaral upang maprotektahan ang mga estudyante mula sa mga natural na kalamidad at matinding climate change.

Binanggit nito ang DepEd’s Order No. 037 na Guidelines on the Cancellation or Suspension of Classes and Work in Schools in the Event of Natural Disasters, Power Outages/Power Interruptions, and Other Calamities na kung saan inilabas noong Abril 26 na nagbigay-diin sa mga school heads at mga direktor na ang napakataas na temperatura ay nasa mga parameter ng agarang pagkansela ng mga klase o paglipat sa alternative delivery modes.

Nagpahayag ito ng buong suporta habang binanggit nito ang isang pag-aaral na isinagawa ng International Labor Organization noong 2019 na ang matinding temperatura dahil sa pagbabago ng klima ay naging panganib sa kaligtasan para sa mga naninirahan sa mga bansang mahina sa climate change.

Nabatid na inendorso na ng DepEd ang pagbabalik sa face to face classes para sa mga pampubliko at pribadong paaralan.

Ngunit dahil sa matinding init na nararanasan sa buong bansa ngayong tag-init, kumilos ang DepEd at binigyan ang mga paaralan ng option na ilagay sa blended at alternative delivery modes.

Sinabi ng CHR na ang DepEd ay nagpakita ng “commendable responsiveness and adaptiveness” lalo na pagkatapos ng mga ulat ng mga mag-aaral na nakaranas ng heat-related health issues.