-- Advertisements --

Nilinaw ni Commission on Higher Education (CHEd) Chairman Prospero De Vera na hindi parehas ang kaniyang pananaw at hindi niya sinusuportahan ang aksyon ng kaniyang kapatid na si Adora Faye de Vera.

Ipinahayag ito ng CHEd chief matapos na mabalitaan ang pagkakaaresto ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) mula sa Region 6 sa kaniyang kapatid.

Aniya, matagal na panahon na niyang hindi nakakausap o nakikita si Adora simula nang magdesisyon itong sumapi sa underground movement.

Ngunit gayunpaman ay umaasa pa rin siya na magiging ligtas at maayos ang kalusugan ng kaniyang kapatid habang ito ay naka-detine at hinaharap ang mga kasong isinampa laban dito kasabay ng kaniyang pagpapaubaya ng lahat sa batas sa pagkakaaresto nito.

Samantala, muli namang binigyang-diin ni Propero na buo ang kaniyang suporta sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. patungkol sa layunin nitong wakasan na ang communist insurgency sa bansa na sumira ng maraming pamilya’t sambahayan at kumitil sa buhay ng maraming indibidwal.