-- Advertisements --

Tiniyak ngayon ng ilang unibersidad sa Quezon City na agad matatanggap ang mga estudyanteng apektado ng pagsasara ng Colegion de San Lorenzo.

Kasunod na rin ito nang pagpirma ng mga private universities sa isang kasunduan para tanggapin ang mga estudyanteng apektado ng pagsasara ng naturang paaralan.

Kasama ang Commission on Higher Education (CHED) chair na si Prospero de Vera sa pagpirma ng memorandum of agreement.

Ang mga paaralan namang tatanggap sa mga displaced students ay ang St. Joseph’s College ng Quezon City, Our Lady of Fatima University, College of St. Catherine Quezon City, NBS College, Villagers Montessori College, WCC-Aeronautical and Technological College North Manila, Siena College, Inc., Quezon City, AMA University at STI College Fairview.

Sinabi ni CHED Chairman Prospero de Vera na kailangan umanong pumirma ang mga partido ng memorandum dahil mayroong probisyn ng Manual of Regulations for Private Higher Education (MORPHE) ang na-waive sa pagtanggap ng nasa 700 displaced students.

Ang konsiderasyon naman umanong ibinigay sa bawat unibersidad ay magkakaiba dahil na rin sa pag-exercise ng academic freedom.

Dagdag ni CHED Executive Director Cinderella Benitez-Jaro na ilang general provisions na posibleng ma-waive ng mga universities ay ang units na kailangang ma-credit para ang mga estudyanteng apektado ay makakapagtapos pa rin sa oras o hindi naman kaya ay makakatanggap ng Latin honors.

Samantala, sinabi naman ni CDSL President Mary Claire Balgan na ang lahat daw ng balances ng mga estudyante ay “forgiven at waived” na.

Una nang sinabi ni CDSL Spokesperson Vix Dorado, na ang mga chekeng na-isyu na ay nasa 625 sa 652 college students.

Naibigay na rin umano ang mga dokumento sa 429 na mga estudyante habang 304 estudyante naman ang nakalipat na.

Para sa basic education students, nasa 775 sa 783 na checke na ang na-isyu at 735 documents naman ang nai-release habang 501 na mga estudyante ang nakalipat na.

Sa ngayon, ilang paaralan pa rin naman daw ang willing na kunin ang mga estudyanteng apektado sa pagsasara ng Colegio de San Lorenzo.