Wala sa priority list ng Senado ang anumang panukalang batas na may kinalaman sa charter change, lalo na ngayong panahon ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, naka-focus sila sa mga resolusyon at bills na may kinalaman sa pagtugon sa problemang dala ng deadly virus.
Sa panig naman ni Senate committee on justice chairman Sen. Richard Gordon, kahit makarating sa kanila ang mga kahilingan para sa Cha-Cha, hindi ito maipapasa sa panahong ito.
Mahalaga aniyang sumentro ang aksyon ng gobyerno, kasama na ang panig ng lehislatura sa paghahanap ng solusyon sa mga naitalang problema dahil sa COVID-19.
Partikular na nangangailangan ng mabilis na aksyon ang kapakanan ng mga nagkasakit, nawalan ng trabaho at ang malinaw na plano kung paano mapapababa ang bilang ng mga namamatay at nagpopositibo sa naturang deadly virus.