-- Advertisements --

CEBU – Agad na nilisan ng mga empleyado ang Legislative Building ng Cebu Provincial Capitol matapos silang nakatanggap ng bombo threat kaninang tanghali.

Sa panayam ng Bombo News Team kay Felicisimo Tandoy, Jr., isang staff ng Vice Governor’s office, na siyang nakatanggap ng bomb threat, sinabi nito na may tumawag sa kanya na isang babae at nag-utos na lisanin nila ang building sa loob ng 20 minuto dahil sa diumano’y may bomba na sasabog.

Aniya, agad nitong ipinaalam sa kanilang Civil Security Unit (CSU) at inutosan silang lumabas palayo ng building.

Gayunpaman, matapos ang isinagawang inspeksyon ng mga sakop ng K9 Unit ng Cebu City SWAT Team dala ang kanilang mga bomb-sniffing dogs, at PDRRMO, kasama na ang K-9 unit, ay wala naman talagang bomba sa area, kaya agad namang ipinagpatuloy ang transaksyon ng Kapitolyo.

Nabatid na napag-desisyonan rin ni Cebu Vice Governor Hilario “Junjun” Davide na ipagpatuloy na lang ang isinagawang regular session sa Sangguniang Panlalawigan sa araw na Miyerkules, Setyembre 15 ng hapon.

Sa ngayon, inimbestigahan na ng mga otoridad ang sinasabing babae na siyang nasa likod ng bomb threat.