CEBU CITY – Nagbabala ang Cebu City government na paparusahan ang sinumang hindi sumunod sa pag-fill up ng contact tracing forms bago pumasok sa mga establisimiyento.
Una nang ikinadismaya ng Emergency Operations Center (EOC) ng lungsod ang pahirapang contact tracing dahil nakalagay umano sa ilang mga forms ang pangalan ng mga fictional characters.
Ayon sa EOC deputy chief na si Councillor Joel Garganera na hindi umano sineryoso ng ilan ang paglalagay ng mga mahahalagang impormasyon sa nasabing form kaya nararapat lang na sila ay parusahan.
Upang maiwasan ang nasabing panloloko, iniutos ngayon ni Mayor Edgardo Labella ang mga establishment owners na i-check palagi ang ID at contact tracing forms bago pumasok.
Iginiit naman ng alkalde na paparusahan ang sinumang hindi susunod sa nasabing patakaran ng kasong paglabag sa RA 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act at Tampering of records or intentionally providing misinformation.