Hinimok ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang Senado na agad simulan ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Ang panawagan ay ginawa isang araw matapos tuluyang i-impeach ng Kamara ang Bise Presidente nitong Lunes, kung saan nakakuha ito ng 257 pabor na boto, 25 kontra, at 9 na abstention.
Umapela ang CBCP sa mga Senador na sundin ang mandato ng batas sa pamamagitan ng pagpapatuloy sa trial, pagpapatawag ng mga testigo, pagdinig sa testimonya, at pagboto base sa ebidensya, sa layuning makamit ang katotohanan at hustisya.
Binigyang-diin ng simbahan na iwasan ng mga senador ang anumang kilos na maaaring ituring na pagtalikod sa sinumpaang tungkulin o pag-iwas sa itinatakda ng konstitusyon.
Ayon sa CBCP, ito ang pagkakataon upang mapanumbalik ang tiwala ng taumbayan sa mga institusyon na tumatalima sa rule of law.
Hinimok din ng CBCP ang Senado na “huwag nang antalahin” ang pag-upo bilang impeachment court matapos ipasa ng Kamara ang Articles of Impeachment.
Anila, ang anumang pagkaantala ay maituturing na pagkaantala rin ng katarungan para sa sambayanang Pilipino.
Hinikayat din ang mga Pilipino na ipagdasal ang kalagayan ng bansa sa gitna ng kasalukuyang sitwasyon.
















