-- Advertisements --

Iginiit ni Senador Alan Peter Cayetano na tila may ibang motibo ang pahayag ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag hinggil sa imbestigasyon sa umano’y anomalya sa 2019 Southeast Asian (SEA) Games.

Sa ika-anim na araw ng impeachment trial ni Bise Presidente Sara Duterte nitong Miyerkules, binigyang-diin ng senador na tila nagkaroon ng “misfire” ang anunsyo ng NBI.

Ayon sa kanya, hindi dapat ipalabas na may anomalya agad dahil lamang sa kawalan ng bidding sa ilang proyekto.

Ipinaliwanag niya na maraming paraan ng procurement ang pinahihintulutan ng batas, kaya’t hindi dapat gawing indikasyon ng iregularidad ang kawalan ng bidding.

Si Cayetano ang namuno sa Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) na nag-organisa ng naturang palaro. Maging si Senadora Pia Cayetano ay nagpahayag din ng pagkadismaya sa anunsyo ng NBI.

Samantala, tiniyak ni Matibag na may hawak na dokumento ang NBI na magpapatibay sa kanilang imbestigasyon, partikular sa New Clark City Sports Complex na itinayo para sa SEA Games. Ayon sa kanya, nakabuo na ng task force upang masusing siyasatin ang naturang usapin.

Inaasahang haharap si Matibag sa korte bilang saksi sa susunod na linggo, habang patuloy na binabantayan ang imbestigasyon na maaaring makaapekto sa kredibilidad ng mga proyektong isinagawa para sa 2019 SEA Games.