-- Advertisements --
House holding special session in Batangas City Convention Center

Nanindigan si House Speaker Alan Peter Cayetano na walang mali o iregular sa pagdaraos nila ng special session kahapon sa Batangas City Convention Center.

Dipensa ito ni Cayetano matapos na umani ng batikos ang desisyon nilang gawin sa labas ng Batasang Pambansa ang kanilang session kahapon dahil sa issue sa seguridad at posibleng pagkaantala sa pagbibigay ng relief efforts sa mga biktima ng pagputok ng Taal Volcano.

Ayon kay Sen. Francis Pangilinan, nakaabala lamang sa mga evacuees ang pagpunta ng mga kongresista sa Batangas City.

Pero iginiit ni Cayetano na bago pa man sila magtungo doon ay kumonsulta muna sila sa mga opisyal ng lalawigan ng Batangas, gayundin sa mga residenteng lumikas sa mga evacuation centers.

“Hindi kami kumikilos na hindi pinag-aaralan. Hindi naman kami dumating na lang dito, at tinignan namin if it is outside the immediate danger zone at kung may gagamit,” ani Cayetano.

Mas makakaabla pa nga aniya kung titingnan kung isa-isang tutungo ng Batangas silang 300 kongresista para magpaabot ng tulong sa mga biktima nang pagputok ng Bulkang Taal.

Maging si Majority Leader Martin Romualdez ay ganito rin ang posisyon sa naturang usapin.

“Sa totoo, ang tagal na talagang gustong pumunta dito. Pero [naisip] ni Speaker at ng leadership na baka kalat-kalat, sabog-sabog tayo. So magkonsulta muna tayo sa mga [Batangas] congressmen… they said, ‘Sige na, Speaker. Kailangan kayo talaga para makita niyo,” ani Romualdez.

Kahapon, pinagtibay ng Kamara ang dalawang resolusyon patungkol sa pagbibigay ng tulong sa mga apektado nang pagputok ng Taal Volcano.

Pinagtibay ng mga kongresista ang House Resolution No. 655 at 622 matapos na emosyunal na ibinahagi ng ilang opisyal ng lalawigan at residente ang kanilang karanasan sa pagputok ng Taal Volcano.