Iginiit ni Senator-Judge Alan Peter Cayetano na hindi dapat ituring na pag-aaksaya ng oras ang mga usaping may kaugnayan sa integridad ng mga Senator-Judges at ng impeachment court, kasunod ng pahayag ni Senator-Judge Erwin Tulfo na hindi dapat gamitin ang Senate impeachment trial para talakayin ang mga personal na isyu ng mga senador.
Ito’y bunsod ng magpaliwanag si Senator-Judge Robin Padilla sa impeachment court hinggil sa isinampa laban sa kanyang kasong obstruction of justice. Ayon kay Padilla, nakapagsumite siya ng counter-affidavit sa Office of the Ombudsman kaugnay ng reklamong inihain noon ng Tindig Pilipinas.
Bilang tugon, sinabi ni Tulfo na ang layunin ng Senate impeachment court ay litisin kung may pananagutan o wala si Vice President Sara Duterte sa mga reklamong kinakaharap nito, at hindi upang pag-usapan ang mga personal na kaso ng mga senador.
Sa naging pahayag naman ni Cayetano, ikinatuwa niyang binigyang-diin ni Tulfo ang kahalagahan ng hustisya sa impeachment trial. Gayunpaman, iginiit niyang mahalagang bahagi ng proseso ang pagtalakay sa integridad ng korte at ng mga hukom.
Binanggit din ni Cayetano ang mga naging pananaw ng yumaong Senador na si Joker Arroyo at ng yumaong Senadora na si Miriam Defensor Santiago hinggil sa kahalagahan ng kaalaman sa batas para sa mga legal na usapin.
Ayon kay Cayetano, hindi maaaring ihiwalay sa impeachment proceedings ang usapin ng integridad ng Korte Suprema, Commission on Elections, Court of Tax Appeals, Sandiganbayan, at iba pang mga hukuman, lalo na kung may mga ulat ng pagbabanta laban sa mga hukom.
Ipinaliwanag din niya na nais lamang ni Padilla na linawin na sumunod ito sa batas matapos lumabas sa mga balita na tila hindi nito pinansin ang Office of the Ombudsman. Aniya, may naipadala umanong registered mail at email si Padilla bilang tugon sa naturang tanggapan.
Leksyon ni Cayetano sa loob ng Korte, hindi raw totoong trabaho ng mga senator-judge ang mag-clear o mag-prosecute sa Bise Presidente, kundi gampanin daw nila ang mag-try at mag-decide sa impeachment trial.
Patutsada pa nito na ang prosecution ang may pananagutang patunayan ang mga alegasyon laban kay VP Sara, habang tungkulin naman ng defense panel na ipakita kung bakit nararapat siyang mapawalang-sala.
Ang papel aniya ng mga senator-judge ay timbangin ang mga ebidensya at magpasya kung dapat bang ma-acquit o ma-convict ang akusado.
Samantala, matapos magsalita ni Cayetano ay nagpahayag din si Senator-Judge Vicente “Tito” Sotto III. Iminungkahi niyang sa regular na sesyon ng Senado na lamang talakayin ang naging manipestasyon ni Padilla.
Aniya, batay umano ito sa 29 na taon niyang karanasan bilang mambabatas.
















