-- Advertisements --

Nanindigan si Senate President Alan Peter Cayetano na tuloy parin ang operasyon ng mga kawani ng Senado gayundin ang mga nakatakdang pagdinig ng mga komite sa kabila ng work-from-home arrangement ni Senate President Pro Tempore at acting Senate President Sherwin ”Win” Gatchalian.

Sa memorandum na inilabas ni Cayetano noong Hunyo 3, sinabi niyang patuloy na gagampanan ang tungkulin bilang pinuno ng Senado.

Itutuloy rin aniya nila ang pagdinig ng Blue Ribbon Committee ngayong araw ng Huwebes na dating pinamumunuan ni Senador Pia Cayetano bago ito mailipat kay Senador Erwin Tulfo.

Nakasaad din sa memorandum na ang direktiba ay sumasaklaw hindi lamang sa nasabing pagdinig kundi maging sa iba pang mga committee hearing na nauna nang itinakda.

Iniutos din ni Cayetano sa mga opisyal at empleyado ng Senado na nakatalaga sa mga gawain ng komite na magbigay ng buong kooperasyon at kinakailangang suporta upang matiyak ang maayos na pagsasagawa ng mga pagdinig.

Partikular ding inatasan ang pagtading ng mga resource persons, testigo, at iba pang bisita para sa Blue Ribbon Committee hearings.

Binigyang-diin pa sa memorandum na ang lahat ng security at access protocols para sa hearing ay ipatutupad alinsunod sa mga direktiba ng Office of the Senate President at ng Blue Ribbon Committee.

Samantala, inatasan din ang lahat ng opisyal at empleyado ng Senado na patuloy na gampanan ang kanilang mga tungkulin alinsunod sa kanilang sinumpaang serbisyo, umiiral na mga batas, Civil Service rules, at mga opisyal na direktiba ng Senate President.

Inilabas ang memorandum sa gitna ng nagpapatuloy na tensyon sa loob ng Senado kaugnay ng mga pagbabagong isinagawa sa liderato ng kapulungan matapos ang sesyon noong Miyerkules.