Pumukol ng tiebreaking 3-pointer si Kevin Love sa nalalabing 37.9 segundo upang malusutan ng Cleveland Cavaliers ang Detroit Pistons sa overtime, 115-112.

Bumangon mula sa 13-point third-quarter deficit ang Cleveland upang maisahan ang home team na Detroit.

Nag-init nang husto si Tristan Thompson na tumipon ng 35 points at 14 rebounds para sa Cavs, na tinapos na rin ang kanilang five-game losing streak.

Tabla sa 110 ang iskor, pinasahan ni Cedi Osman si Love na nakapuwesto sa kaliwang corner at kumonekta mula sa downtown upang basagin ang deadlock.

Nagsalpak ng dunk si Thompson sa huling 16.7 seconds upang itulak pa sa lima ang kanilang abanse.

-- Advertisement --

Nasayang naman ang huling tsansa ng Detroit na makapuwersa ng turnover nang magmintis ang 3-pointer ni Derrick Rose sa huling mga segundo.

Nabalewala ang impresibong 28 points at 23 rebounds ni Andre Drummond para sa Pistons, naglaro nang wala si star forward Blake Griffin.