Tiwala ang pari ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) at presidente rin ng Catholic Media Network (CMN) na maaabot ni Cardinal Luis Antonio Tagle ang pagiging Santo Papa kasunod ng pag-promote sa kanya ni Pope Francis.
Ayon kay Father Francis Lucas, matapos siyang italagang Cardinal-Bishop ay malaki ang posibilidad na susunod na Santo Papa dahil nakagawa na ito ng pangalan.
Aminado naman itong noong unang beses na napasama si Cardinal Tagle na pinagpilian ay hindi talaga ito makakalusot dahil bata pa siya.
Pero ngayon, malaki na raw ang pag-asa ni Tagle na maging Pope dahil sa kanyang bagong posisyon sa Vatican at dahil na rin sa “name recall.”
Una rito, noong Pebrero ay itinalaga ng Santo Papa si Tagle sa Vatican sa Congregation for the Evangelization of Peoples.
Kahalintulad ito ng posisyon niya bilang isang cabinet secretary to the Roman Pontiff.
Itinuturing namang “highest order in the College of Cardinals” ang bagong posisyon ngayon ni Tagle.
Ito na ang pinakamataas na posisyon ng naabot ng isang Filipino cardinal sa Vatican.
Kung maalala naging arsobispo si Tagle sa Manila Archdiocese mula 2011 hanggang taong 2019.
















