-- Advertisements --

Nanawagan si Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula sa publiko na tumalima sa batas at iwasan ang “extra-constitutional” means para resolbahin ang mga problema sa gitna ng malawakang protesta sa mga isyu ng korapsiyon.

Sa pastoral message ng Cardinal ngayong Sabado, Nobiyembre 15, hinimok niya ang publiko na huwag hayaang mangibabaw ang emosyon at palaging tumalima sa rule of law.

Ang ating katapatan aniya ay dapat na para sa bansa at sa demokratikong mga prinsipyo nito, hindi sa sinumang indibidwal at lalo ng hindi para sa pansariling interes.

Bilang pastol, hinihikayat din ni Cardinal Advincula ang publiko na maging wais, kritikal at kilatising mabuti ang mga natatanggap at ibinabahaging impormasyon. Aniya, ang virus ng kasinungalingan at maling impormasyon, na tinatawag ng ilan bilang “pandemic of lies” ay nakakapag-paralisa ng ating kakayahang kilalanin ang katotohanan at kabutihan. Kayat, tungkulin nating mga Kristiyano na beripikahin ang impormasyong ating natatanggap at iwasang ibahagi ang hindi pa napapatunayan.

Umapela rin ang Cardinal sa militar, kapulisan at sa lahat ng nasa serbisyo publiko na manatiling tapat sa pinanumpaan sa watawat ng Pilipinas at sa bansa at hindi sa sinumang personalidad. Ang katapatan aniya sa Konstitusyon ay mahalaga para sa katatagan at integridad ng ating Republika.

Nanawagan rin ang Cardinal sa lahat na suriin ang ating konsensiya, baguhin ang ating pamumuhay at mamuhay nang naaayon sa kalooban ng Diyos upang manaig ang integridad, pananagutan, katotohanan at hustisiya.

Nakiisa rin si Cardinal Advincula sa panawagan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) para sa patuloy na pagsusumamo para sa awa at pagbabago sa pamamagitan ng pagdarasal at konkretong aksiyon para sa ikakabuti ng lahat.

Ginawa ng Cardinal ang panawagan isang araw bago ang nakatakdang tatlong araw na malawakang rally ng mga miyembro ng Iglesia Ni Cristo (INC) sa Rizal Park simula bukas, Nobiyembre 16 hanggang 18, para ipanawagan ang transparency at accountability sa gitna ng isyu ng korapsiyon sa flood control projects. Kasabay ding magsasagawa ng rally ang iba pang grupo tulad ng United People’s Initiative (UPI), na pinangungunahan ng mga dating opisyal ng militar.