-- Advertisements --

Itinalaga ng Billboard ang model-actress na si Cara Delevingne bilang presenter ng Global Force Award para sa P-pop girl group na BINI sa 2026 Billboard Women in Music.

Kinikilala ng taunang parangal ang mga kababaihan sa industriya ng musika na may malaking ambag at nagsisilbing inspirasyon sa susunod na henerasyon.

Pinarangalan ang BINI bilang Global Force honoree matapos ang kanilang makasaysayang pagtatanghal sa Coachella Valley Music and Arts Festival, kung saan sila ang kauna-unahang Filipino girl group na nakapag-perform.

Tatanggap din ng parehong parangal ang Canadian band na The Beaches, na igagawad naman ng Filipino-American singer at content creator na si Bella Poarch.

Kabilang sina Brandi Carlile, Ciara, Coco Jones, Dionne Warwick, Eva Longoria, Victoria Monét, Kim Petras, Lainey Wilson, at Tyla sa iba pang magpe-present sa gabi ng parangal.

Para sa mga Pilipino, inaasahang aabangan si Longoria sa paggawad ng Icon Award sa Mexican singer-actress na Thalía, na kilala sa kanyang “María Trilogy” na kinabibilangan ng María Mercedes, Marimar, at María la del Barrio, pati na rin ang Rosalinda.

Samantala, ang grupong Huntr/x—binubuo nina EJAE, Audrey Nuna, at Rei Ami—ang tatanggap ng pinakamataas na parangal na Woman of the Year.

Matatandaang si Sarah Geronimo ang tumanggap ng Global Force Award noong 2024, kung saan tinapos niya ang kanyang acceptance speech sa wikang Filipino.