-- Advertisements --

Kinilala ng Federal Bureau of Investigation (FBI) ang pangunahing suspek sa isang nakamamatay na pagsabog ng sasakyan sa harap ng isang fertility clinic sa Palm Springs noong Sabado (Linggo sa Pilipinas) bilang si Guy Edward Bartkus, 25 anyos, mula sa Twentynine Palms.

Ayon sa FBI, si Bartkus ay nasawi sa mismong pagsabog, na ikinasugat ng apat na iba pa. Tinukoy ng mga imbestigador na target ng pag-atake ang in vitro fertilization (IVF) clinic, at tinuring itong isang ”intentional act of domestic terrorism.”

Ayon sa awtoridad, may dalang “nihilistic ideations” si Bartkus at tangka pa umanong i-livestream ang insidente. Kasalukuyang iniimbestigahan ang kanyang mga sulat, social media posts, at isang umano’y “manifesto.”

Nangyari ang pagsabog bandang alas-11 ng umaga sa Indian Canyon Drive, na nagdulot ng malaking pinsala sa gusali. Agad namang rumesponde ang mga awtoridad at naligtas ang lahat ng mga embryo sa clinic.

Ayon sa Palm Springs Police, wala nang banta sa publiko, ngunit nagpapatuloy ang malawakang imbestigasyon.

Tinawag ng FBI ang insidente bilang isa sa pinakamalaking bombing cases sa Southern California sa mga nakaraang taon.

Naglabas naman ng pahayag ang fertility clinic, anila ligtas ang kanilang staff at reproductive materials. Magbubukas muli ang pasilidad sa Lunes.

Nanindigan ang lokal na pamahalaan at mga opisyal na hindi magpapadaig ang lungsod sa terorismo.

Ayon kay Police Chief Andy Mills, “Terrorism came knocking on the door of Palm Springs. We survived.”

Samantala ang Bureau of Alcohol, Tobacco, Firearms and Explosives (ATF), FBI, at iba pang ahensya ng pamahalaan sa U.S. ay patuloy na tumutulong sa imbestigasyon.