-- Advertisements --

Binalaan ni Solicitor General Jose Calida ang National Telecommunications Commission (NTC) sa pagbibigay ng provisional authority to operate para sa ABS-CBN Corporation at affiliate ABS-CBN Convergence Inc.

Pahayag ito ni Calida isang araw bago tuluyang mapaso ang prangkisa ng ABS-CBN Corporation.

Sa oras aniyang bigyan ng provisional authority ng NTC commissioners ang ABS-CBN Corporation na walang congressional franchise, maaring maharap ang mga ito sa reklamong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Malinaw aniyang nakasaad sa ilalim ng Saligang Batas na tanging ang Kongreso lamang ang may kapangyarihan sa paggawad ng prangkisa sa mga public utilities, tulad ng broadcasting companies, para sila ay makapag-operate sa bansa.

Bagama’t ang legislative power na ito ay maaring i-delegate aniya sa administrative agencies sa pamamagitan ng isang batas, iginiit ni Calida na sa kasalukuyan, walang batas na nagbibigay ng pahintulot sa NTC o anumang ahensya para sa pagbibigay ng prangkisa sa mga broadcasting entities.

Iginiit ni Calida na ibinibigay lamang ang provisional authority kung nabigyan na ng congressional franchise ang broadcasting entities at kapag mayroong pending application ng certificate of public convenience sa NTC.

“The NTC cannot issue a PA when the broadcast company has no valid and existing legislative franchise,” giit ni Calida.

Sa ngayon, pending pa rin sa Kongreso ang franchise application ng ABS-CBN Corporation.

Kamakailan lang ay tiniyak ni Speaker Alan Peter Cayetano na bibigyan ng patas na pagdinig ang franchise application ng Lopez-led company.

Hindi rin aniya nila ginagamit bilang advantage ang COVID-19 pandemic para tulugan ang prangkisa ng ABS-CBN at para tuluyan itong magsara.

Sa katunayan, sinabi ng lider ng Kamara na patuloy nilang diringgin ang franchise renewal application ng media giant sa pagbubukas muli ng kanilang session simula bukas, Mayo 4.