Inanunsiyo ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na nag-aatas ng pansamantalang restricted area ang bahagi ng Luneta Park sa Maynila at Edsa Shrine sa Quezon City bilang paghahanda sa mga planadong rally laban sa korupsyon na gaganapin sa mga lugar na ito ngayong araw, September 21, 2025.
Sa isang pahayag na inilabas, sinabi ng CAAP na ang advisory ay magiging epektibo mula alas-6 ng umaga ng Linggo hanggang alas-6 ng umaga ng Lunes, Setyembre 22.
Sa loob ng panahong ito, ipinagbabawal ang lahat ng sasakyang panghimpapawid, kabilang ang mga drone o unmanned aerial vehicles (UAVs), na lumipad sa loob ng 15 nautical mile na radius mula sa sentro ng mga lugar na ito, mula sa lupa hanggang sa taas na 10,000 talampakan.
Layunin ng hakbang na ito na mapanatili ang kaligtasan ng mga tao sa lansangan at maiwasan ang anumang insidente na maaaring idulot ng mga sasakyang panghimpapawid sa panahon ng mga pagtitipon.
Ngayong umaga magtitipon ang iba’t ibang grupo at samahan sa Luneta Park para sa rally na pinamagatang “Baha sa Luneta.”
Nakatuon ito sa mga isyu ng katiwalian kaugnay sa pamamahala ng flood control projects sa bansa, na sinasabing nagresulta sa malawakang pagbaha sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.
Samantala, sa hapon naman ay magaganap ang “A Trillion Peso March” sa Edsa Shrine, isang kilos-protesta na naglalayong tutulan ang diumano’y malawakang korupsyon sa gobyerno na may kaugnayan sa pondo para sa flood control at iba pang proyektong pampubliko.
Ang pagdaraos ng mga rally na ito ay sinasamahan din ng paggunita sa ika-53 anibersaryo ng deklarasyon ng martial law noong Setyembre 21, 1972, sa ilalim ng dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., isang panahon na may malawakang epekto sa kasaysayan ng Pilipinas.
Hinihikayat ng mga awtoridad ang publiko na sumunod sa mga patakaran at iwasang magdala ng mga bagay na maaaring makapinsala o magdulot ng kaguluhan sa mga pagtitipon.
Nakahanda rin ang mga kapulisan at iba pang mga ahensya ng gobyerno upang masiguro ang kaayusan at kaligtasan ng lahat ng dadalo.