Sisimulan na ng business groups ang pagkilatis sa ilang kandidato para sa 2022 elections.
Haharap sa kauna-unahang presidential forum si Partido Reporma standard-bearer Sen. Panfilo Lacson, na nakatakda sa Sabado, Oktubre 30, 2021.
Layunin ng forum na inilunsad ng mga business group na Finex at Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc (FFCCCII) at iba pa na alamin ang mga economic agenda na isusulong ng mga tatakbong pangulo at pangalawang pangulo sa darating na halalan.
Si Lacson daw kasi ay may economic agenda na naka-angkla sa isinusulong niyang Budget Reform for Village Empowerment Act of 2019 na siyang magpapalakas ng ekonomiya sa kanayunan, ang kauna-unahang isasalang sa nasabing presidential forum na gaganapin alas-7:30 hanggang alas-9:00 ng gabi.
Haharap sa 20-minutong one-on-one interview ang mambabatas, kung saan iisa-isahin niya ang kanyang programang pang-ekonomiya sa sandaling siya ay mahalal na pangulo sa 2022 at susundan ito ng moderated na open forum.
Samantala, abala naman sa paglilibot sa mga palengke at komunidad sa Toledo, Cebu si Sen. Manny Pacquiao.
Habang si Manila Mayor Isko Moreno ay may event naman sa Quezon Memorial Circle mamayang hapon.
Ang iba pang presidential candidates ay may iba’t-iba ring aktibidad sa ilan pang mga lugar sa bansa.