-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Nag-iwan ng dalawang sugatang sundalo ang nangyaring sagupaan sa Barangay San Miguel, Talakag, Bukidnon, ngayong umaga lamang.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni 403rd Infantry Battalion commander Col. Ferdinand Barandon, nagresponde ang kanyang nasasakupan nang ni-ransak ng mga rebelde ang 24/7 business establishment na pag-may-ari ng retired army official at katabing kabahayan upang magnakaw ng mga baril.

Miyembro ng 1st Special Forces Batallion ng 403rd Infantry Batallion ang nakipagbabakan sa tinatayang 30 kasapi ng Front Committee 68 ng New People’s Army (NPA).

Inihayag ni Barandon na nakakuha ng kalibre 45 at shotgun na baril ang mga rebelde bago nakatakas papalayo sa lugar.

Nahabol naman ng 1st Special Forces Batallion ang mga rebelde kaya nauwi sa 30 minutong engkuwentro.

Sa ngayon ay naka-confine na sa Camp Edilberto Evangelista Station Hospital ng Cagayan de Oro City ang mga nasugatan.

Una nang kinumpirma ni Talakag Police Station Commander Capt. Dominador Orate Jr., na na-ambush ng mga rebelde ang tropa ng Regional Mobile Force Batallion subalit ang bongo truck na kargado ng mga gulay ang tinadtad ng mga bala.

Wala namang tinamaan sa mga pulis at sibilyan nang tinambangan ng NPA sa lugar.