CAGAYAN DE ORO CITY – Tinutugis ng militar at pulisya ang grupo ng New People’s Army (NPA) na umano’y responsable pagsunog ng tatlong trak at personnel carrier bus ng Del Monte Philippines na nangyari sa Barangay Tipolohan,Claveria,Misamis Oriental.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni 58th IB,Philippine Army commander Lt Col Ricky Canatoy na nagmula sa bayan ng Manolo Fortich,Bukidnon ang mga trabahante na nakasakay ng bus nang inatake umano ng nasa 14 na armadong kalalakihan na sakop ng mga rebelde.
Inihayag ni Canatoy na pinababa umano ang mga nakasakay na mga trabahante at ang nag-mamaneho ng bus maging sa tatlong cargo trucks na ginamit na kargahan ng pineapple seedlings para walang sagabal para sa mga rebelde ang pagsunog.
Dagdag ng opisyal na ilang araw na umano nila mino-monitor ang galaw ng mga rebelde dahil sa ulat na maghahasik ng kaguluhan subalit lumagpas ng konti ang puwersa ng gobyerno ng lugar na binantayan kaya nakakita ng pagkakataon ang mga kaaway.
Iniimbestigahan na rin ng Misamis Oriental Provincial Police Office ang pangyayari at inihanda ang mga kaso na maaring kakaharapin ng mga rebelde na nasa likod ng krimen.