-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Patay on the spot ang isang buntis nang tamaan ng bala ng mortar ang kanyang bahay sa Maguindanao.

Nakilala ang biktima na si Robea Damada Lakim, pitong buwang buntis, may asawa at residente ng Sitio Sedsang Barangay Pusao Shariff Saydona Mustapha Maguindanao.

Ayon sa ulat ng Shariff Saydona Mustapha Municipal Police Station (MPS) na bumagsak sa bahay ng biktima ang isang 60 mm mortar projectile.

Agad binawian ng buhay si Lakim nang magtamo ng maraming sugat sa ibat-ibang parte ng kanyang katawan sa sumabog na eksplosibo.

Matatandaan na noong nakalipas na gabi anim na mga sibilyan rin ang nasugatan sa tatlong bala ng mortar na bumagsak sa kanilang bahay.

Agad nagpaabot ng tulong ang LGU-Shariff Saydona Mustapha sa pamilya ng biktima.

Kinomperma naman ng tagapagsalita ng 6th Infantry (Kampilan) Division Philippine Army na si Lieutenant Colonel Dindong Atilano na mula sa BIFF ang mga sumabog ng bala ng mortar sa kabahayan ng mga sibilyan sa bayan ng Datu Salibo at Shariff Saydona Mustapha.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa magkasunod na pagsabog sa bayan ng Datu Salibo at Shariff Saydona Mustapha Maguindanao.