-- Advertisements --

NAGA CITY – Tuluyang binawian ng buhay ang isang ina na positibo sa Coronavirus Disease (COVID) matapos nitong hindi makayanan ang panganganak sa Sagnay, Camarines Sur.

Ang biktima ay kinilala lamang bilang Bicol #8798, 27-anyos, residente ng nasabing lugar.

Sa opisyal na pahayag ni Sagñay Mayor Jovi Fuentebella, sinabi nito na kasabay ng pagdiriwang ng araw ng mga ina ay ang pagkamatay din ng isang ilaw ng tahanan.

Ayon sa alkalde, papunta pa lamang sa isang lying in-center ang ina nang ito ay abutan ng panganganak sa loob ng tricycle.

Ngunit habang nakasakay umano sa tricycle ay nakaranas ng eclampsia ang biktima hanggang sa nawalan na itong malay nang makarating sa center.

Dahil dito, kinailangan itong ilipat sa Bicol Medical Center ngunit hindi na nito nakayanan at dito na binawian ng buhay.

Sa paliwanag ng medicinenet.com, ang eclampsia ay medical emergency kung saan kailangang makontrol ang seizures at mapanatili ang stable blood pressure,

COVID preggy Bicol

Kaugnay nito, agad isinailalim sa cremation ang pasyente habang masuwerte namang nakaligtas ang bagong silang na sanggol nito.

Sa ngayon, dahil sa pangyayari ay hindi na rin nagawa pang paglamayan ng pamilya ang biktima dahil kasalukuyan ding naka-quarantine ang mga ito pati narin ang mga naging close contact.