ILOILO CITY – Patay ang isang buntis na ginang at dalawang mga anak na menor de edad matapos ma-trap na nasunog na bahay sa Brgy. Pajo, Zarraga, Iloilo.
Ang mga biktima ay kinilalang sina Lilibeth Hechanova, 37; Matthew, 9, at Mico, 4.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay SFO3 Gamaliel Borro, officer-in-charge ng Zarraga Fire Station, sinabi nito na hindi kaagad nakalabas ang mag-iina nang lumiyab ang apoy dahil naka-grills ang kanilang bintana.
Ayon kay Borro, base sa posisyon ng katawan ng mga biktima nang sila ay matagpuan, sinubukan pa ng mga ito na makalabas kung saan magkahawak pa ang dalawang magkapatid.
Halos hindi na makilala ang mga biktima dahil sa tindi ng natamong sunog sa katawan.
Napag-alaman na wala ibang kasama ang mag-iina bahay dahil nasa Maynila ang kanilang padre depamilya na isang sundalo.
Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng Zarraga Fire Station kaugnay sa nangyaring sunog.